November 19,2016
Noong nakaraang biyernes (Nobyembre 11, 2016) sa ating sama-samang pagsamba ay muling nagpahayag ng katotohanan ang Panginoon sa akin.Sa sharing portion ay ating napagnilayan ang katanungang “Paano mo masasabing handa ka na at karapat-dapat sa kaharian ng Diyos?”. Nabigla ako sa katanungang iyon sapagkat tila sa mga oras na iyon ay hindi ko alam kung ano at paano ako makakapagbahagi. Marahil sa kadahilanang sa aking palagay ay may ilang desisyon at pangyayari sa araw na iyon na nagbigay sa akin ng pag-aalinlagan sa aking kahandaan at pagiging marapat sa kaharian ng Diyos.
Patapos ng magbahagi ang dalawa kong kabahaginan at wala pa rin akong maisip na maibabahagi. Hanggang naisip kong manalangin at sinabi ko sa Panginoon na wala akong maisip na maibahagi at inamin kong hindi maganda ang pakiramdam ko sa aking sarili. Habang nanalangin ay napatingin ako sa imahe ng Panginoon Hesus na nakapako sa krus sa altar. Napako ang aking paningin sa imahe ng Panginoon at naramdaman ko at narinig na kanyang sinabi sa akin na sapat na ang Kanyang pagkamatay sa krus para mawala ang aking mga pag-aalinlangan.Dumating na ang aking oras upang magbahagi, bagamat wala pa rin akong nabuo sa sa isip ko ay sinabi ko na lang sa Diyos na Siya na ang manguna sa aking pagbabahagi.
Aking napagtanto sa mga oras na iyon na kailanman ay hindi natin masasabi ang ating kahandaan sa kaharian ng Diyos. Maaari pa siguro nating masabi na bagamat hindi tayo handa ay pwede lamang nating isuko ang ating sarili sa Panginoon na ang kalooban pa rin Niya ang mangyari sa atin. Kahalintulad ng ginawang panalangin ng ating Panginoong Hesus nang manalangin Siya sa Getsemani noong gabi bago Siya ipagkanulo at patayin ay sinabi Niya, “Ama ko, kung baga maaari ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo”(Mateo 26:39). Hindi natin talos ang ating huling araw ngunit bawat isa ay ito ang kahahantungan handa ka man o hindi, ang mahalaga ay ang pagsuko natin sa kalooban ng Panginoon sa bawat bahagi at sandali ng ating buhay.
Sa pagiging karapat-dapat naman, ay ang imahe ng Panginoong Hesus habang nakabayubay sa krus ang sasagot sa katanungang ito. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sa Kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan Niya.(Juan3:16-17)
Batid ng Panginoong Diyos ang ating mga kahinaan (dahilan ng ating pagkakaroon ng agam- agam sa ating pagiging karapat-dapat sa kaharian ng Diyos) mahigit dalawang libong taon na ang nakaraan.Gayon na lamang ang pag-ibig sa atin ng Panginoon na kahit hindi pa man tayo naisisilang sa mundong ito ay pinaging dapat na Niya tayo sa Kanyang kaharian. At kahit gaano pa kadilim ang ating nakaraan o kasalukuyan, hindi nito mababago ang pag-ibig ng Diyos sa bawat isa sa atin. “Ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin nuong tayo’y makasalanan pa. At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang TIYAK na maliligtas tayo sa pamamagitan Niya.(Roma5:8)
Sa pagtatapos ng sama-samang pagsamba sa gabing iyon, ay muli, kasabay ng pag-awit ng koro sa awiting “Times of Refreshing”, naramdaman ko ang pagkandili ng Panginoon sa bawat isa. Indeed, “there’s no greater mercy than being with You...my soul is restored...my soul is renewed...There’s no greater joy Lord than being with You..”
Thank You Lord! To God be the Glory!
GOD IS GOOD.
Be Refreshed.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento