November 19, 2016
Palasak ngayon ang mga hugot lines, iba-iba ang tema at gamit depende sa taong humuhugot at depende sa sitwasyon naroon ang humuhugot. Yung iba humuhugot dahil may gustong sabihin o ipahiwatig sa ibang tao na hindi niya kayang sabihin ng personal kaya dinadaan sa hugot lines. May iba naman na ginagamit ang pag hugot sa tuwing may mabigat na pinagdaraan, maaaring paraan niya ito upang maihinga yung bigat ng nadarama niya. Sa kabila ng ibat-ibang dahilan at mga halimbawa ng “hugot lines”, masasabi nating may iisang pangangailangan ang bawat taong humuhugot-Lakas ng loob.
Sa ating sama-samang pagsamba nitong nakaraang biyernes (11/18/16) ay napagnilayan natin kung saan tayo humugot ng lakas at pag-asa sa ating buhay. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil kahit ako’y huli na nang dumating ay umabot ako sa parteng ito ng ating sama-samang pagsamba at muli ay nagpahayag ang Panginoon ng kanyang kapangyarihan sa aking buhay. Tila alam ng Panginoon kung ano ang pinagdaraanan ng bawat isa sa atin, at kayrami niyang paraan upang tayo ay abutin at samahan sa ating paglalakbay.
Sa aking pagdalo sa gabing iyon ay kayraming balakid ang sumubok sa aking pagdalo, nariyang kay sakit ng aking ulo, dahil hindi nakatulog ng nakaraan gabi dahil sa pag-aalala sa ilang mga bagay, nariyang ayaw na akong paalisin ng bahay ng aking nanay dahil masama na raw ang aking pakiramdam, makabubuti raw na magpahinga na lamang. Ngunit alam ko sa sarili kong mas kailangan ko ang pagkalinga ng Panginoon sa mga oras na iyon, kaya tumuloy pa rin ako sa pagdalo kahit alam kong ako’y mahuhuli na. At muli, sa ating sama-samang pagninilay ay ipinakita at ipinadama ng Panginoon na alam niya ang lahat sa ating buhay, alam niya ang bawat nilalaman ng ating puso at isip, alam niya kung ano ang kalagayan natin, alam niya ang pinagdaraanan natin.At alam niya rin kung paano tayo sasaklolohan.Ngayong gabi ay ipinaalala sa atin ng Panginoon na Siya lamang ang pinakamatibay at pinakamalakas na muog at siya nating tanggulan sa lahat ng pagsubok natin sa buhay. Ipinaalala sa atin ng Panginoon ang mga panahon at pangyayari sa ating buhay kung saan tayo’y Kanyang sinaklolohan at iniligtas.Ipinakita ng Panginoon na Siya’y kapiling natin sa bawat bahagi ng ating buhay. Ipinaalala sa atin ngayong gabi na ang Panginoon ang nagbibigay ng lakas ng loob sa ating lahat.(2Cor1:3-5)
Nagpapasalamat ako sa gabing ito sa Panginoon dahil sa kabila ng lahat ng balakid ay pinapangyari Niyang ako’y makadalo pa rin. Batid ng Panginoon ang aking mga “HUGOT” sa mga panahong ito at ngayo’y Kanyang pinalalakas ang aking loob upang magpatuloy. Tama na ang pag-aalala sabi ng Panginoon. Naalala ko tuloy yung isang Facebook page na “hugot kristiyano” sa isang post nila’y ito ang sabi: “Kung may time ka mag-alala, gamitin mo ang oras na iyan para kausapin si Lord.”
Salamat muli Panginoon! Tunay ngang kami’y walang hanggang magpapasalamat sa Iyo! Ikaw ang aming kalakasan ngayon, bukas, at magpasawalang hanggan. Amen.
GOD IS GOOD.
Stay Connected.